Monday, April 27, 2009

Makibaka, Huwag Matakot!

MAKIBAKA, HUWAG MATAKOT
pagninilay ni Goriong Putik

Sa lansangan ng protesta, ilang beses na rin nating narinig na isinisigaw ng mas matatagal na sa ganitong larangan ang mga katagang “Makibaka, Huwag Matakot!”

Karamihan sa kanila’y laman at naging bahagi na ng lansangan ng protesta nuong panahon ng diktaduryang Marcos, at ang iba naman ay noong kasagsagan ng kampanya para lansagin ang mga base militar ng Kano, at ikinapanalo naman ng sambayanan ng bumoto ang labindalawang senador para di na manatili pa ang mga base militar na iyon. Hanggang sa maganap ang Ikalawa at Ikatlong Rebolusyong Edsa. Hanggang sa pakikibaka laban sa ChaCha, sa VFA, sa isyu ng dayaan sa eleksyon (Hello Garci), at sa iba't iba pang isyung panlipunan.

“Makibaka, Huwag Matakot!” Nananatili pa ring napapanahon ang panawagang ito. Hindi ito maluluma hangga’t patuloy ang kaapihan ng marami nating kababayan. Magpapatuloy na isisigaw ito kahit ng mga susunod na henerasyon hangga’t laganap ang kahirapan, hangga’t di pantay ang hatian ng yaman sa lipunan. Mananatiling buhay ang panawagang ito hangga’t laganap ang kawalang katarungan sa higit na nakararami.

“Makibaka, Huwag Matakot!” Hindi dapat katakutan ang pakikibaka. Oo, minsan ay talagang nakakatakot dahil maaaring mapatid ang ating buhay sa pakikipaglaban para sa ating karapatan at para sa progresong may hustisyang panlipunan. Ngunit kung mabubuhay tayong patuloy na natatakot, ano pang dahilan para mangarap ng mas maayos na buhay para sa ngayon at sa hinaharap? Kung patuloy na takot ang umiiral sa ating puso at isipan, mananatili tayong aba, busabos, at walang kalayaan.

Kung natakot si Jose Rizal noon, may Noli Me Tangere at El Filibusterismo ba tayo ngayon? Kung natakot noon si Bonifacio at Jacinto, may Katipunan bang naitatag at may Kartilya bang naging gabay ng mga mapagmahal sa kalayaan? Kung natakot noon sina Makario Sakay, nagpatuloy pa ba ang himagsikan sa panahon ng Amerikano? Kung natakot noon ang mga Hukbalahap, nagpatuloy ba ang pakikibaka lamang sa pananakop ng mga Hapon? Kung natakot noon si Benigno “Ninoy” Aquino, Jr. sa pagbalik sa bansa, magkakaroon ba ng Rebolusyong Edsa?

“Makibaka, Huwag Matakot!” May dapat magsindi ng mitsa upang mawala ang takot ng sambayanan laban sa mga mananakop, laban sa mga mapaniil, laban sa mga mapagsamantala. Dapat nating pag-aralan ang lipunan upang maunawaan natin ang ugat ng kahirapan ng higit na nakararami habang nagpapasasa ang iilan.

“Makibaka, Huwag Matakot!” Ito rin ang panawagan natin sa mga manggagawa upang ipagpatuloy nila ang pakikibaka para itayo ang sarili nilang lipunan. Ang mga manggagawa ang gumagawa ng ekonomya ng bansa. Sila ang nagtayo ng mga palasyo at mansyon ng mga naghaharing uri ngunit sila pa ang walang maayos na bahay dahil sa kakarampot na sahod.

“Makibaka, Huwag Matakot!” Ito rin ang panawagan natin sa mga kababaihang dapat ipaglaban ang kanilang karapatan. Hindi dapat sila maging marupok sa harap ng maraming pagsubok. Hindi dapat sila manghina sa harap ng pagsasamantala, tulad ng panggagahasa.

Ito rin ang panawagan natin sa mga magsasaka. Sila ang nagtatanim at nagtitiyak ng ating pagkain ngunit sila pa ang nagdidildil ng asin.

Karapatan ng mga maralita ang pabahay, kaya dapat nilang ipaglaban ang kanilang karapatan laban sa demolisyon.

Karapatan ng mga estudyante ang edukasyon, kaya dapat nilang ipaglaban ito bilang serbisyo at hindi negosyo ng mga kapitalistang may-ari ng paaralan.

Sa lahat ng inaaping sektor, sa mga mangingisda, mga maglalako, kahit sa mga pulubi at taong grasa, lahat sila’y may karapatang mabuhay at magkaroon ng maayos na pamumuhay, nang may dignidad.

Ayon sa isang awitin ng dakilang banda ng Asin, “Ang takot ay nasa isip lamang.” Kaya tayong mga nakikibaka para itayo ang isang lipunang tunay na makatao, dapat nating ipatagos sa kaluluwa ng lahat ng api na hindi sila dapat matakot, bagkus, dapat nilang pag-aralan ang lipunan kung bakit nasadlak sila sa gayong kalagayan, at higit sa lahat, dapat silang magkaisa.

“Makibaka, Huwag Matakot!” Sa harap ng krisis na nararanasan ng mundo ngayon, partikular ang mga manggagawa at maralita, nararapat lang tayong magpatuloy sa pakikibaka. Hindi tayo dapat matakot sa mga mapaniil. Ang kailangan natin ay magkaisa at magtulung-tulong upang lunasan ang kanser ng lipunan. Ang kailangan natin ay mawala ang pribadong pagmamay-ari ng mga kasangkapan sa produksyon na siyang dahilan ng lalo’t lalong kahirapan ng higit na nakararami. Ang kailangan natin ay palitan ang bulok na sistemang nagsilang ng kawalang katarungan sa lipunan.

Halina’t ating itayo ang isang lipunang tunay na makatao. Halina’t makibaka! Huwag matakot!

Tuesday, April 21, 2009

Munting Kuro-kuro sa Araw ng Kalikasan

MUNTING KURO-KURO SA ARAW NG KALIKASAN
pagninilay ni Goriong Putik

Sa Pandaigdigang Araw ng Kalikasan, atin pong pagnilayan sumandali at tayo’y magpasalamat sa kalikasan, lalo na sa mga puno, pagkat sa kanila nanggaling ang mga papel na ginagawang sulatan at aklat. Kung wala ang mga puno, tiyak na wala tayong binabasang mga aklat, magasin at mga pahayagan. Pagpugayan din natin ang mga kababayang nagsakripisyo’t nagpakasakit, lalo na ang mga environmental activists at advocates sa kanilang walang sawang pagtutok at pagkilos upang ang ating kalikasan ay ipaglaban mula sa mga maling patakaran, at maging maayos para na rin sa kinabukasan ng mga susunod na henerasyon (sustainable development).

Dalawang pandaigdigang araw ang karaniwang ginugunita hinggil sa kalikasan - Abril 22 - Pandaigdigang Araw ng Kalikasan (International Earth Day) at Hunyo 5 - Pandaigdigang Araw ng Kapaligiran (World Environment Day). Ang una'y pinasimulan ng mga NGO sa US, habang ang huli'y pinasimulan ng Unied Nations (UN).

Tuwing ika-22 ng Abril kung gunitain ng buong mundo ang Pandaigdigang Araw ng Kalikasan. Oo, ginugunita ito sa buong mundo. Ngunit anong klase ng paggunita: Pagdiriwang ba o pagluluksa?

Dapat bang ipagdiwang ang Abril 22 dahil ito ang itinakdang araw para sa kalikasan, o dapat itong ipagluksa dahil unti-unti nang sininira ng tao at ng sistema ng lipunang umiiral ang kalikasan?

Sa aking pananaw, hindi dapat mamili sa isa, pagkat parehong dapat ipagdiwang ang araw na ito at ipagluksa. Tila mahirap ang sinabi ko. Parang sa umaga ay ipagdiriwang at sa hapon ay ipagluluksa na. Hindi po ganito.

Ipinagdiriwang natin ang Pandaigdigang Araw ng Kalikasan dahil ito ang marapat gawin upang maimulat ang marami sa kahalagahan ng kalikasan, at ang kaugnayan ng kalikasan sa tao at sa ating pagkatao. Ngunit ipinagluluksa natin ang mismong ginagawang kahayupan ng tao sa kalikasan. Kailan matitigil ito?

Napakahalaga ng mga isyung pangkalikasan na karaniwang hindi nabibigyang-pansin ng media, ng gobyerno, ng eskwelahan o ng akademya, maliban na lang kung may trahedyang naganap. Bakit? Dahil ba wala silang pakialam o dahil hindi nila alam ang isyu.

Minsan nga ay nagtataka ako, dahil marami sa atin, bata pa lang ay tinuruan na sa paaralan ng simpleng pagtatapon ng basura sa tamang basurahan. Ngunit nang lumaki na tayo, nalimutan na ito. Kung saan-saan itinatapon ang basura. Ang balat ng kendi, na hindi naman basura hangga’t hindi pa lumalapat sa basurahan, ay agad pinandidirihan. Itinatapon agad kung saan-saan, at ayaw munang ibalik sa bulsa hanggang sa makakita ng basurahan.

Kung ating pagninilayan, alam nating lahat na bago pa tayo mabuhay sa mundo, nariyan na ang kalikasan. Nariyan ang dagat, lupa, hangin, atbp. Halos lahat ng ginagamit natin sa araw-araw ay mula sa kalikasan.

Ngunit pag pumunta ka sa Manila Bay, hindi na pulos tubig ang iyong makikita sa dagat, kundi mga basura, at napakaraming naglulutangang mga plastik. Ang plastik ay hindi nabubulok, kaya tumatambak ang basurang ito.

Grabe na rin ang polusyon sa hangin. Pag nasa biyahe ka galing probinsiya, magigising kang alam mo nang nasa Maynila ka na, pag naramdaman mo na ang polusyon.

Ang tubig na dati ay libre ay may bayad na rin. Mas mahal pa nga ang mineral water kaysa isang bote ng softdrinks. Kailangan na kasing iproseso ito ng mga mangangalakal upang ibenta dahil marumi na ang pinagkukunan ng tubig.

Nakakalbo na rin ang mga kagubatan. Nagkukulang na ba tayo sa itatanim, o hindi tayo nagtatanim?

Gusto mong tumulong ngunit di mo magawa? Aba'y kumilos tayo at huwag tumunganga. Pag tuluyang nasira ang kalikasan, baka tayo'y matulala. Kaya ngayon pa lang, kumilos na tayo upang di ito tuluyang masira.

Ang pagprotekta sa kalikasan ay hindi madaling gawin. Kailangan natin itong pag-isipan at pag-aralan. Hindi sapat na maunawaan natin kung paano nasisira ang kalikasan. Hindi simpleng itapon lang natin sa basurahan ang balat ng kendi ay ayos na. pagkat baka naman naihahalo ang nabubulok sa di nabubulok.

Tayo nga'y magnilay sa Araw ng Kalikasan: Anong klaseng kalikasan, kapaligiran, at sistema ng lipunan ang ating ipamamana sa susunod na henerasyon kung wala tayong gagawin ngayon upang protektahan ito? Nais ba nating wasak na kapaligiran ang ating ipamana sa kanila?

Ang ipinahayag ko'y munting pagsipat lamang sa abang kalagayan ni Inang Kalikasan. Marami pang dapat pag-usapan at pagtuunan ng pansin, lalo na ang iba't ibang isyu, tulad ng global warming o climate change, ano ang kyoto protocol, ano ang sustainable development, ang muling pag-revive ng Bataan Nuclear Power Plant (BNPP) na nakasalang ngayon sa kongreso at ipinoprotesta ng maraming environmentalists, at marami pang iba.

Ngunit ang pagsipat na ito'y di lamang dahil sa pagsapit ng Abril 22 o Hunyo 5, kundi dahil alam nating sa buong taon ay naaapektuhan tayo ng unti-unting pagkasira ng kalikasan. Hanggang dito na lang muna, at nawa’y isapuso natin ang awiting “Masdan Mo Ang Kapaligiran” ng bandang ASIN na siyang itinuturing na theme song ng mga mapagmahal sa kalikasan.

Sunday, April 19, 2009

Matatalinghagang Bahagi ng Katawan

MATATALINGHAGANG BAHAGI NG KATAWAN
pagninilay ni Goriong Putik

"Ang kapal ng mukha mo! Iniputan ka na sa ulo, ikaw pa ang mabigat ang kamay! Buti na lang hindi ikaw ang aking nakaisang-dibdib! Hindi mo kayang pangatawanan ang iyong salita. Wala kang paninindigan!"

Mukha. Ulo. Kamay. Dibdib. Mga bahagi ng katawan ng tao.

Pangatawanan, mula sa salitang "katawan". Paninindigan, mula sa salitang "tindig". Pawang postura ng tao.

Mahilig tayong mga Pinoy na gamitin sa pang-araw-araw ang mga matatalinghagang salita. Ibig sabihin, hindi literal ang kahulugan, iba ang pagkakagamit kaysa karaniwan.

Mismong mga karaniwang tao ay parang makata kung magsalita, kahit na yaong mga kolehiyala, mga nag-oopisina, at mga propesyunal. Hindi na nila kailangan pang pag-aralan ito sa eskwelahan dahil ito'y ginagamit naman ng mga karaniwang tao sa pang-araw-araw na pamumuhay kaya madali agad nilang maunawaan. Sabihin mo lang na "mababaw ang luha" ng isang dalaga, alam kaagad ng marami na iyakin ang ibig mong sabihin. Habang pag sinabi mo namang "maitim ang budhi" ng isang tao, alam kaagad na dapat pangilagaan ang taong ito.

Mahilig pa nating gamitin ang mismong bahagi ng ating katawan sa matatalinghagang pananalita. May kasabihan ngang "May pakpak ang balita, may tainga ang lupa." "Tulak ng bibig, kabig ng dibdib." Kaya't sa pagsusunog ko ng kilay upang maraming maisulat ay naipon ko ang mga talinghagang may kinalaman sa mga bahagi ng ating katawan. Ating tunghayan ang mga ito, at simulan natin mula ulo pababa.

ULO. Pag sinabi nating "matalas ang ulo", ang tinutukoy natin ay matalinong tao. Pag "mahangin ang ulo", mayabang. Pag "malamig ang ulo", mahinahon. Pag "mainit ang ulo", galit. Pag "lumaki ang ulo" hindi ito taong may hydrocepalus, kundi mayabang. Pag "matigas ang ulo", ayaw makinig sa pangaral o utos. "Sira-ulo" naman pag baliw o may kalokohang ginawa. Pag mahilig "makipagbasag-ulo" tiyak na palaaway. At pag sinabihan kang "may ipot sa ulo", aba'y pinagtaksilan ka ng iyong asawa. Kung kailangang memoryahin ang pinag-aaralan, dapat na ito ay “isaulo”.

UTAK. Pag ang tao'y "matalas ang utak", siya'y magaling magsuri ng mga bagay-bagay. Ang taong "mautak" naman ay tiyak na tuso at kayang mang-isa, ngunit ang "utak-biya" o "utak-galunggong" ay mahina ang ulo. Pag "makitid ang utak" ay mahirap makaunawa.

MUKHA. Hindi marunong mahiya ang mga "makakapal ang mukha", habang mahiyain o kimi naman yaong may "manipis na mukha". Pag "maaliwalas ang mukha" mo, tiyak na masaya ka ngayon, ngunit pag nakasimangot ka't problemado, aba'y "madilim ang mukha" mo. Ngunit ingat kayo sa taong "dalawa ang mukha" o "doble-kara" dahil ang taong ito'y parang balimbing, at traydor. Kung nais mong ipabatid sa isang tao ang kanyang pagkakamali ay kailangan mo itong “ipamukha” sa kanya.

NOO. "Marumi ang noo" ng mga taong may kapintasan, habang "may tala sa noo" yaong mga babaeng ligawin o malimit suyuin ng mga lalaki.

MATA. Yaong "matalas ang mata" ay mga taong mabilis nilang makita ang dapat makita agad, o hinahanap nila. Yaon namang "tatlo ang mata" ay mga taong mapaghanap ng kamalian ng iba. Pag sinabi naman nating "namuti na ang mga mata", tiyak na nainip na sa kahihintay ang taong sinasabihan natin nito.

KILAY. Ang "nagsusunog ng kilay" ay talagang nag-aaral nang mabuti. Noong araw kasi ay wala pang kuryente kaya ang mga nagbabasa gamit ang kandila o gasera ay literal na nasususunugan ng kilay kapag lumabo na ang liwanag at napalapit ang kanilang kilay sa apoy ng kandila. Ganun pa man, patuloy pa ring ginagamit ang idyomang ito hanggang sa kasalukuyang panahon.

TAINGA. Pag "nagtataingang-kawali" ka, ikaw ay nagbibingi-bingihan kahit na naririnig mo na. Hindi patulis ang tainga ng may "matalas na tainga", kundi agad niyang napapakinggan ang dapat niyang marinig. Yaon namang may "maputing tainga" ay tinatawag na kuripot.

ILONG. Sinasabing "humahaba ang ilong" ng mga nagsisinungaling, na marahil ay mula sa alamat ni Pinocchio.

BIBIG. "Tulak ng bibig" pag hanggang salita lamang, at hindi ginagawa ang mga sinabi. Matatabil at bungangera naman kung "dalawa ang bibig". Ang mga salitang palgi mong sinasabi o binabanggit ay tinatawag namang “bukambibig”. Sinasabi namang "ipinanganak ng may gintong kutsara sa bibig" yaong mga anak-mayaman. Ang mga taong palabati sa kapwa ay "magaan ang bibig".

LAWAY. Magsalita ka naman pag sinabihan kang "napapanis ang laway" mo, dahil sobra kang tahimik. Sinasabing "nakadikit ng laway" ang anumang madaling matanggal.

DILA. Pag "kaututang-dila" mo yaong may "makakating-dila" lagi mong kausap yaong mga tsismoso't tsismosa. Nagkatotoo ang iyong sinabi pag "nagdilang-anghel" ka o "nagkrus ay dila" mo. Mapagmapuri ka kapag "mabulaklak ang dila" mo, habang bastos naman yaong may "maanghang na dila". Mahusay makipag-usap at mambola yaong may "matamis na dila", habang sinungaling naman yaong may "sanga-sangang dila". Palasumbong naman yaong may "mahabang dila". Sinasabi naman nating "nasa dulo ng dila" yaong hindi agad masabi-sabi dahil hindi matandaan bagamat alam na alam.

BALIKAT. "Pasan sa balikat" ay tumutukoy na may malaking problema, o may maselang gawaing nakaatang sa kanya. "Pagsasabalikat" o "may iniatang sa balikat" ay pagpasan sa responsibilidad. Kapag “nagkibitbalikat”, ang ibig sabihin ay binalewala.

DIBDIB. Pagpapakasal ang "pag-iisang dibdib", at ang asawa ang siyang "kabiyak ng dibdib". Kabado naman yaong may mga "daga sa dibdib". Pag sinabing "dibdiban" matindi ang konsentrasyon sa gawain.

BITUKA. "Halang ang bituka" ng mga kriminal. Sinasabing pare-pareho ang "likaw ng bituka" ng mga taong magkakauri o mula sa iisang lugar o lahi. Yaon namang mga dukha ay karaniwang "mahapdi ang bituka".

SIKMURA. Sinasabing "butas ang sikmura" ng mga taong matatakaw.

DUGO. Pag naramdaman natin ang "lukso ng dugo" sa isang batang una pa lang nating nakita, baka ito'y ating anak, o kapamilya. Pag "mainit ang dugo" mo sa isang tao, galit ka sa taong iyon. Pag naman "kumukulo ang dugo" mo, nasusuklam ka o naiinis. Madali ka namang makapalagayang-loob pag "magaan ang dugo" mo. "Mabigat ang dugo" naman ang nasasabi sa taong kinaiinisan.

BUTO. "Maitim ang buto" ng mga masasamang tao. Masisipag naman yaong "nagbabanat ng buto". "Malambot ang buto" ng mga lampa, at "matigas ang buto" ng mga may katawang matitipuno.

BALAT. Sinasabihan tayong "balat-sibuyas" pag tayo'y sensitibo at madaling magdamdam. Tinatawag namang "balat-kalabaw" yaong mga mahina ang pakiramdam, di agad tinatablan ng hiya; "balat-kalabaw" din yaong hindi agad nakakaramdam ng lamig dahil makapal ang balat.

KAMAY. Sinasabing "malikot ang kamay" ng mga taong kumukuha ng gamit ng iba, habang "mabilis ang kamay" ng mga mandurukot. "Mabigat ang kamay" ng mga tamad, habang "magaan ang kamay" ng mga mabilis manakit at manuntok ng kapwa. Magkakapera naman ang “nangangati ang kamay” maliban na lamang kung may sugat o galis.

PALAD. "Makapal ang palad" ng mga taong masisipag. Minalas naman yaong mga taong "sinamang-palad". Ang mga matulungin naman sa kapwa ay sinasabing “bukas-palad”. Ang buhay ay pabagu-bago gaya ng “gulong ng palad” at maswerte naman ang taong “mapalad”. Ang kaibigan naman ay tinatawag na "kadaupang-palad".

TUHOD. "Matibay ang tuhod" ng mga taong malalakas pa. "Mahina ang tuhod" ng mga taong lalampa-lampa.

PAA. Pag sinabi nating "makati ang paa", ang ibig sabihin nito'y yaong taong mahilig gumala kung saan-saan. "Mahaba ang paa" naman ang turing sa mga taong itinataon na pag oras ng pagkain ang pagdating o pagdalaw. Pag sinabi naman nating "pantay na ang mga paa" ng isang tao, nangangahulugan na ang tinutukoy natin ay patay na.

TALAMPAKAN. Sinasabing "namuti ang talampakan" ng mga taong kumaripas ng takbo dahil natakot o naduwag.

Marami pa tayong matatalinhagang pahayag na ginagamit sa pang-araw-araw nating buhay na salamin ng ating kultura at kasaysayan. Ang mga idyomang ito ay patunay kung gaano kayaman ang ating wika na dapat nating pahalagahan at ingatan.

Kung may maidadagdag pa kayo, sabihan nyo lang ako. Maraming salamat.

Friday, April 17, 2009

Bulok na Kamatis

BULOK NA KAMATIS
pagninilay ni Goriong Putik

Bulok na kamatis. Isang kasabihan ng mga matatanda, o yaong mga may gulang na, na hindi dapat mahaluan ng kahit isang bulok na kamatis ang isang kaing na puno ng kamatis, dahil mahahawa at mabubulok din ang iba nito. Kaya nararapat na tanggalin kaagad, at di manatili kahit isang minuto pa, ang mga bulok na kamatis.

Nakakahawa ang kabulukan, kaya dapat iwasan. Ganito ang bulok na kamatis. Gayundin naman sa sistema ng lipunan. Nakakahawa ang kabulukan kaya dapat iwasan. Nakakahawa ang mga katiwalian, kabalbalan, anomalya, pangungurakot, at iba pang kabalbalan, kaya dapat tanggalin ang mga bulok. Nakakahawa ang mga pulitikong tiwali kaya ang ibang baguhang nais maglingkod sa bayan ay natututo ng katiwalian.

Hindi dapat ihalo sa mga sariwang kamatis ang isang bulok. Gayundin naman, hindi na dapat pang maiboto muli o kaya'y maitalaga sa mataas na katungkulan sa pamahalaan ang mga napatunayan nang bulok na pulitiko. Ilang beses na ba nating napanood sa telebisyon na binato ng bulok na kamatis ang mga pulitikong tiwali at mga sinungaling?

Pero bakit nga ba bulok na kamatis ang paboritong ipambato sa mga tiwaling opisyal ng gobyerno? Madaling makita ang mensahe. Binato ng bulok na kamatis ang isang pulitiko dahil ang pulitikong ito ay bulok kaya binato. Ibig sabihin, ang pulitiko'y may nagawang kasalanan o kamalian sa kanyang mga pinaggagawa bilang lingkod-bayan. Katiwalian, katarantaduhan, kabalbalan, anomalya, pangungurakot, kasinungalingan, pagsasamantala sa katungkulan, at iba pang kabulukan.

Marami nang lider ng gobyerno ang pinagbabato na ng bulok na kamatis dahil ayaw magsabi ng katotohanan sa taumbayan. Marami pang mga sinungaling ang nais pang batuhin ng bulok na kamatis dahil sa kanilang ginawang kasalanan.

Dalawang lider na ng bansa ang maituturing na halimbawa ng kabulukan ang tinanggal ng taumbayan. Ang isa'y diktador na namatay nang hindi nakulong dahil sa kasalanang ginawa sa sambayanan. Ang isa naman ay sugarol na nahatulang guilty ngunit agad na pinalaya ng kauri niyang elitista.

Nalalapit na naman ang eleksyon. Tiyak na marami na namang mangangako. Tiyak marami na namang paaasahin sa mga pangako. Ang mga mayayamang pulitiko ay makikipagbeso-beso na naman sa maralita, at makikituntong muli sa mga lugar ng iskwater dahil sa boto, pero pagkatapos ng botohan at nanalo, ang pinasukang lugar ng iskwater ay pinandidirihan na.

Ang mga bulok na kamatis, tulad ng mga bulok na pulitiko, ay walang pakinabang para sa kabutihan ng lahat. Dapat lang silang mawala.

Kawawang kamatis. Ang mga nabubulok sa hanay nila ang paboritong gamitin ng mga raliyista upang ipukol sa mukha ng mga mandurugas, mapanlinlang, mga ganid, mandaraya, at higit sa lahat, bulok na pulitiko dahil sa katiwalian, kasinungalingan, at pagsasamantala nila sa mamamayan.

Ngunit mas kawawa ang taumbayan. Ang mga bulok na pulitiko sa hanay ng naghaharing uri ay nagpapatuloy, hindi maalis-alis. Marami kasing magkakamag-anak na nagtutulong-tulong. Marami kasing magkakauri na hindi ang kapakanan ng taumbayan ang nasasaisip kundi kung paano mabubuhay ang kanilang sariling uri - ang uring elitista o yaong tinatawag na naghaharing uri. Tanging ang makaaalis lamang sa mga bulok na pulitiko'y kung mababago ang sistemang naging dahilan kung bakit sila naging tiwali at sinungaling, kung mababago ang sistemang siyang dahilan kung bakit may mahihirap at mayayaman.

Hindi dapat ipagsiksikan pa ang bulok na kamatis sa kaing ng magaganda at sariwang kamatis. Gayundin naman, hindi dapat ipagsiksikan pa ang mga bulok na pulitiko sa gobyerno dahil baka mahawaan pa nila ng kanilang kabulukan ang mga totoong lingkod ng bayan.

Kung nais natin ng maayos na buong kaing na kamatis, tiyakin nating matanggal ang mga bulok. Kung nais nating maging matino ang gobyerno, dapat nating tanggalin ang mga bulok na pulitiko't lingkod-bayan, at baguhin mismo ang sistema ng gobyernong nagluwal ng mga kabulukang ito. Kung nais natin ng matinong lipunan para sa kinabukasan ng ating mga anak at ng mga susunod pang henerasyon, magtulong-tulong tayong baguhin ang sistemang nagluwal at patuloy na nagluluwal ng mga kabulukan ng kasalukuyang mapag-imbot na sistema ng lipunan.

Wala bang pakinabang ang mga bulok na kamatis? Meron. Kung ibabaon natin sila ng tuluyan sa lupa.

Oo, ang mga bulok na kamatis ay dapat ibaon sa lupa upang pakinabangan ng mga uod na makakatulong para lumusog ang lupa. Mga bulok na kamatis na magiging pataba sa lupa. Gayundin naman, ang mga bulok na pulitiko ay dapat na ring ibaon (sa limot) upang sa kangkungan ng kasaysayan na sila pulutin.

Higit sa lahat, ang bulok na kamatis ay pambato sa mga pulitikong sinungaling at puno ng katiwalian. Tutal pareho naman silang bulok kaya magsama sila.

Friday, April 10, 2009

Taong Grasa

TAONG GRASA
pagninilay ni Goriong Putik

Karaniwan na sa ating mga paglalakbay, may makakasalubong tayo o kaya'y may makikitang mga taong grasa, naglalakad kung saan-saan, walang bahay, at minsan nakasalampak sa isang karton, o kaya'y nakatira sa kariton lamang. Nanlilimahid, sira-sira ang suot, mas masahol pa sa daga ang pamumuhay.

Marahil ay iyong tatanungin sa sarili, kung sila'y iyong papansinin, tao ba sila? Ngunit kadalasan, maaaring di mo na sila pansinin dahil tingin naman ng karamihan, hindi sila kasama sa lipunang ito.

Sino nga ba sila? Bakit may mga katulad nila sa mundong ito? Dapat nga ba silang mabuhay? May karapatan ba sila sa ilalim ng gobyernong ito? Hindi natin sila pinapansin dahil, sa totoo lang, sino ba sila sa atin? Bakit pinili nilang magkaganoon? O kung di man nila piniling magkaganoon, anong dahilan bakit naging ganoon sila? Pinabayaan ba nila ang kanilang sarili? O dahil ang mga magulang nila'y ganoon din? O kaya naman ay nagsilayas sila sa kanilang tahanan, kung saan-saan napadpad, hanggang sa matutong suminghot ng ragbi para maibsan ang gutom, at magdroga, hanggang sa matuyo nang unti-unti ang kanilang utak?

Dapat ba silang limusan? Bakit minsan nang dahil sa awa, o kaya naman ay dahil nais nating lumayo agad sila sa atin, binibigyan agad natin sila ng anuman, kahit piso o kaya naman ay yaong natira nating biskwit sa bulsa?

Ang mga taong grasa ba'y aksidenteng lumitaw sa mundong ito? O sila'y biktima ng kasalukuyang sistema ng lipunan? Ano ang meron sa taong grasa para sila mabuhay sa mundong ito? Itinulot ba na magkaroon ng taong grasa dahil hinahamon nito ang ating ugali? Ang ating pagkatao? Kung paano tayo magpakatao at makipagkapwa-tao?

Bakit sila lilimusan o kaya'y babatuhan ng tira-tirang pagkain gayong dapat sila'y ating kasalo sa hapag-kainan dahil sila'y tao ring tulad natin? May nakapandidiri ba silang sakit, o ang ayos ng kanilang sarili ay hindi katanggap-tanggap sa lipunang ito?

Taong grasa. Nanlilimahid sa libag. Ang katawan ay marumi, pulos putik, putik, putik. At tinatawag silang tao. Ngunit anong klaseng tao? Kapwa tao ba o latak ng lipunang ito?

Pag tinangka mong makipagkwentuhan sa kanila, sasagutin ka nila ng tapat, ng ayon sa alam lang nila, kung hindi mo sila pandidirihan, kung hindi ka magpapakita ng panlalait sa kanilang katauhan. Ngunit kaya mo bang makipag-usap sa kanila? O natatakot ka dahil baka sila'y mabangis o nangangagat?

Ang simpleng iskwater nga na may kakayahang ayusin ang sarili at magbihis ng maayos ay hindi pinapansin dahil sila'y mahirap at galing iskwater, paano pa kaya ang mga taong grasang walang tinutuluyan, kundi sa mga kariton lamang, na kadalasa'y wala pa? O kaya'y natutulog lang sa mga karton? Kadalasang nangangalkal sila ng basura sa pagbabakasakaling may pagkaing itinapon. Aso lang ang dapat gumawa nito, pero bakit sila mismong tao?

Hindi natin sila pinapansin dahil wala tayong pakialam sa kanila. Hindi natin sila kaibigan. Ngunit bakit tinatalakay ko sila ngayon sa sulating ito? Dahil tulad nila, ako rin ay putik. Bihira ang pumapansin. Ngunit nais ding magbigay ng mensahe sa iba.

Kung nais natin ng pagbabago sa lipunan, dahil ayaw natin ng katiwalian sa gobyerno, ayaw nating patuloy na umiral ang malaking agwat ng mahirap at mayaman, ayaw nating may nang-aapi at naaapi, dapat isama natin sa pagbabago ng buong lipunan ang kapakanan ng lahat ng maliliit, sinuman sila, kahit na sila'y mga taong grasa. Sa bagong lipunang dapat nating maitayo, dapat wala nang taong grasa, hindi dahil sila'y itinaboy sa malayo, hindi dahil sila'y pinagpapatay, kundi dahil sila'y naging tunay na tao na ating nakakasalamuha at nagtatamasa na ng karapatan sa mundong ito.

Ang mga taong grasa ay isang simbolo. Simbolo sila ng isang gobyernong pabaya sa kanilang kapwa tao. Simbolo sila ng mga taong walang pakialam sa kanilang kapwa. Simbolo sila ng sarili nilang kapabayaan. Simbolo sila ng relihiyong nangangako ng buhay na walang hanggan kaya ang mga taong grasa ay mapalad dahil sila ang magmamana ng langit. Simbolo sila ng lipunang walang pakialam na mas masarap pa ang kinakain ng aso ng mga kapitalista kaysa pamilya ng mga manggagawa. Simbolo sila ng kapaitang mabuhay at maghirap sa lipunang puno ng kasaganaan.

Taong grasa. Tao. Grasa. Madumi. Malibag. Di naliligo. Pinandidirihan. Sila'y mga putik.

Taong grasa. Grasa. Tao. Ah, tao rin pala silang tulad natin na may karapatang mabuhay.

Tuesday, April 7, 2009

"Hugasan ang 'yong putik sa mukha"

"HUGASAN ANG 'YONG PUTIK SA MUKHA"
pagninilay ni Goriong Putik

Habang nakatunganga sa kisame'y narinig kong pumailanglang sa himpapawid ang isang awiting nakapukaw ng tila natutulog kong isip. Ayon sa awiting iyon, na alam kong narinig na rin ng karamihan:

"Bago mo linisin ang dungis ng 'yong kapwa
Hugasan ang 'yong putik sa mukha"

Ah, putik. Marumi, inaapak-apakan. Pinandidirihan. Nilalayuan.

Putik. Tulad ng isang dukha. Tulad kong mahirap pa kaysa daga. Isang putik sa lipunang puno ng katiwalian. Isang putik sa mundong panay ang digmaan. Isang putik sa pamayanang kay rami ng bangayan. Isang putik sa maraming pamilyang hindi nagkakaunawaan.

Ang putik sa mukha ay isang batik sa karangalan. Hindi nararapat sa mukha ang putik, maging sa talampakan.

Napakaganda ng mensahe nito ngayong semana santa, anuman ang iyong relihiyon, o maging pagano ka man. Pagkat ang mensahe ng awitin ay hinggil sa ating ugnayan sa ating kapwa tao, sa ating pagkatao. Paano nga ba tayo magppakatao at makikipagkapwa-tao? Sadya nga bang madaling maging tao at mahirap magpakatao, tulad ng sinasaad ng isang kasabihan.

Putik. Kamatayan. Pagbabalik sa pinagmulan.

"Bago mo linisin ang dungis ng 'yong kapwa
Hugasan ang 'yong putik sa mukha"

Narinig ko muli ito kanina habang dumaraan sa tapat ng aking tinutuluyan ang isang pulutong ng dahan-dahang umuusad na mga sasakyan, habang nasa unahan ang isang karo na kinalalagyan ng isa na namang namatay.

Hinanap ko sa internet ang kabuuan ng awitin. Ating basahin at tunghayan ang mga titik ng awiting ito, o kaya'y saliwan ng awit habang ninanamnam natin ang kahulugan nito sa buhay. Ang pamagat nito'y "Lupa" at inawit ng sikat na bandang ASIN.

Nagmula sa lupa, magbabalik na kusa
Ang buhay mong sa lupa nagmula
Bago mo linisin ang dungis ng 'yong kapwa
Hugasan ang 'yong putik sa mukha

REFRAIN
Kung ano ang 'di mo gusto
Huwag gawin sa iba
Kung ano ang iyong inutang
Ay s'ya ring kabayaran

Sa mundo, ang buhay ay mayroong hangganan
Dahil tayo ay lupa lamang
Kaya pilitin mong ika'y magbago
Habang may panahon, ika'y magbago
Pagmamahal sa kapwa ay isipin mo

O, sadyang makahulugan ang habilin sa atin ng awit. Habang may panahon pa, ating linisin ang anumang kabulukang namamahay sa ating dibdib. Habang may panahon pa, tayo'y magbago tungo sa isang buhay na makatao at may pagmamahal sa kapwa. Hindi lang ito para sa iba, hindi lang ito para sa atin, kundi para sa lahat upang magkaroon ng kapayapaan sa daigdig na ito. Huwag nating paglaruan ang damdamin at kabuhayan ng ating kapwa tao. Bayaran natin ng tama ang lakas-paggawa ng ating mga manggagawa. Huwag tayong magpatubo ng magpatubo upang manalo sa kumpetisyon laban sa mga karibal sa negosyo. Ang karapatan sa edukasyon at kalusugan ay huwag nating gawing negosyo, pagkat kawawa ang mga taong naghihirap dahil hindi nila mabili ang ninenegosyong karapatan. Maraming namamatay sa nagagamot na sakit dahil sa kamahalan ng gamot. Maraming di mapag-aralan ang nais nilang kurso dahil sa mahal ng matrikula.

Namnamin nating muli ang kanta. Aanhin natin ang anumang kayamanan na pinagtubuan natin mula sa pawis ng iba. Tayo ay lupa lamang. Magbabalik din tayo kung saan tayo nagmula. Sadyang mahiwaga ang kahulugan ng awitin. Simpleng awit. Matipid sa pangungusap. Tatlong saknong lamang, ngunit makahulugan. Nakapanginginig ng laman kung nanamnamin lamang at mauunawaan.

Sa panahong ito ng semana santa, halina't linisin natin ang dungis na nakakulapol sa ating mukha. Tulad nga ng habilin ng awit:

"Bago mo linisin ang dungis ng 'yong kapwa
Hugasan ang 'yong putik sa mukha"

Ah, putik. Marumi, inaapak-apakan. Pinandidirihan. Nilalayuan. Ngunit sa putik pala tayo nagmula, at sa kalaunan ay babalik.

Wednesday, April 1, 2009

Niños Inosentes at April Fool's Day

NIÑOS INOCENTES AT APRIL FOOL'S DAY
pagninilay ni Goriong Putik

Kasabay ng aking paglaki ay nakagisnan ko na ang tinatawag nilang April Fool’s Day tuwing Abril 1 at ang Araw ng Niños Inocentes tuwing Disyembre 28.

“Hoy, ingat ka, April Fool’s Day ngayon, baka maisahan ka?” “Hoy, huwag kayong magpapautang ngayon at Niños Inocentes ngayon, baka di kayo mabayaran.” Karaniwan ko na itong narinig sa aking mga ate at kuya, pinsan at tiyuhin, sa mga kabigan at kaklase.

Noong una, nagtataka lang ako sa kanilang mga sinasabi at ipinagkikibit-balikat ko lamang ang mga ito. E, pano, hindi naman nila ipinaliwanag ng husto kung ano ito. Basta ang sabi lang nila, ang mga araw na ito ay araw ng kalokohan, kaya dapat mag-ingat.

Bakit nga ba may mga araw ng kalokohan? Sino ang nagtakda nito, at ano ang kasaysayan ng mga araw na ito? Iba’t ibang kaugaliang panloloko o pagbibiro ang karaniwang ginagawa sa araw na ito. Nariyang pag dumating ang araw na ito, uutangan ka at pangangakuan kang babayaran agad ng inutangan mo. Pag pinautang mo na, sasabihin agad sa iyo, “Salamat, naisahan kita. April Fool’s Day ngayon. He he he.” Pero katuwaan lang ito ng aking mga kababata, at minsan nagbabayad naman sila kahit papaano. Syempre, kababata, e. Paano kung seryoso talagang maisahan ka?

Teka, bakit nga ba may mga araw ng kalokohan o araw ng pagbibiro. Paano nga ba ito nagsimula? Nagsaliksik ako at narito ang ilan sa aking mga nakuhang batayan:

May sari-saring kwento kung pano nagsimula ang April Fool’s Day tuwing Abril 1. May nagsasabing agad lumaganap ang April Fool’s Day nang mapalitan na ng kalendaryong Gregorian yaong kalendaryong Julian. May nagsasabi pang ang Abril 1 ang siyang unang araw ng taon sa bansang Pransya, kaya’t nang palitan ni Haring Carlo IX ang araw na iyon bilang Enero 1, ang iba’y nanatili sa Abril 1. Yaong mga gumawa pa nito ay pinagtawanan ng kanilang mga kapitbahay, at tinawag silang mga April Fools.

May isa namang sinasabing batayan ng April Fool’s Day at ito’y mababasa sa akdang Canterbury Tales ni Geoffrey Chaucer na pinamagatang Nun’s Priest’s Tale, na isang kwento tungkol sa dalawang loko: ang tandang at ang lobo (the chanticleer and the fox), na naganap ng Marso 32 (dahil hanggang 31 lang ang Marso, ang 32 ay pumapatak ng Abril 1).

Sa ibang bansa, ang pagbibiro o paggawa ng kalokohan tuwing Abril 1 ay hanggang tanghali lamang, tulad sa Inglatera, Australia, New Zealand, Canada at Timog Aprika, at ang magbiro ng bandang hapon na ay tinatawag na April Fool. Ngunit karamihan ng lugar, tulad ng Ireland, Pransya at Amerika, buong araw isinasagawa ang pagbibiro o kalokohang ito.

Ano naman ang araw ng Niños Inocentes tuwing Disyembre 28? Bakit ito naging araw ng pagbibiro o kalokohan?

Nakabatay sa relihiyong Katoliko at Eastern Orthodox ang tinatawag na pista ng Niños Inocentes, na sa ingles ay Feast of the Holy Innocents, na kilala rin bilang Childermas, bilang paggunita sa pagpatay sa mga bata o massacre of the innocents noong panahon ni Herodes, kung saan ipinag-utos niya ang pagpaslang sa mga sanggol na lalaki dahil ito umano ang magiging susunod na hari. Napakaseryoso ng pinagmulan ng Niños Inocentes, ngunit dahil sa salitang “inosente”, uminog ito bilang araw upang magbiro sa mga walang muwang o inosente.

Katunayan, sa bansang España at iba pang bansang Latino, ang Disyembre 28 ay itinuturing na araw ng pagbibiro o kalokohan. At yaong nabibiktima ng mga palabiro o inocentadas ay tinatawag na inosente, o walang muwang. Kaya hindi dapat magalit sa mga nagbiro ang mga nabiktima dahil wala naman daw silang ginawang masama kundi magbiro lamang, dahil nga araw iyon ng mga inosente. Sa ibang kultura, ang Disyembre 28 ay itinuturing na malas na araw kaya hindi dapat magsimula ng anumang proyekto sa araw na ito.

Dalawang magkaibang araw ngunit parehong araw ng pagbibiro. Dalawang pinagmulan, ngunit ang isa’y seryoso habang ang isa’y sadyang kamalian.

Dalawang araw kung saan tayo dapat mag-ingat sa kalokohan ng ilan nating mga kaibigan, kakilala, at kababayan.

Ngunit huwag tayong mag-ingat lang tuwing Abril 1 at Disyembre 28 lamang, Dapat tayong mag-ingat sa lahat ng panahon, pagkat walang pinipiling araw ang mga seryosong manloko sa kanilang kapwa tao. Nariyan ang mga illegal recruiter, na nangangakong makakapagtrabaho sa ibang bansa ang mga kababayan natin, ngunit nasasadlak sa prostitusyon. Nariyan ang mga pulitikong palaging nangangako sa mga maralita nating kababayan, ngunit pag nanalo na ay hindi mahagilap kapag hinanap upang hingan ng kaunting tulong.

Oo, lahat ng araw ay dapat tayong mag-ingat lalo na sa mga taong nais tayong isahan. Kaya ingat.