Thursday, August 8, 2019

Huwag itayo ang Kaliwa Dam!

HUWAG ITAYO ANG KALIWA DAM!

Daigdigang Araw ng mga Katutubo ngayon
at ang pamahalaa'y ating ngayong hinahamon:
kumilos na para sa susunod na henerasyon
itigil ang Kaliwa Dam, tuluyan nang ibaon!

ang paggawa ng dam ay planong pondohan ng Tsina
di naman gobyerno ang magbabayad kundi masa
sa katutubo't taas-kamaong nakikiisa
kaming narito'y kasama n'yo sa pakikibaka

aba'y papayag pa ba tayong mabaon sa utang
bansa'y baon na sa utang, mababaon na naman
bakit ba gigil na gigil silang itayo ang dam
damuho silang sa buhay ay walang pakialam

mga kapatid na katutubo'y nangangalaga
sa kanilang lupaing ninuno'y nag-aaruga
kalikasan ay buhay, di dapat mapariwara
huwag itayo ang dam, sa kanila ito'y sumpa

- gregbituinjr.

* Nilikha ang tula at binasa sa rali sa harap ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa Visayas Ave., QC, umaga ng Agosto 9, 2019, kasabay ng paggunita sa International Day of the World's Indigenous People. Kasama sa pagkilos ang mga grupong Stop Kaliwa Dam Network, SAGIBIN, Save Sierra Madre Network Alliance, Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ), Alyansa Tigil Mina (ATM), LILAK, Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), atbp.

Sunday, October 25, 2009

Kaybagsik nina Ondoy at Pepeng

KAYBAGSIK NINA ONDOY AT PEPENG
pagninilay ni Goriong Putik

Ondoy at Pepeng. Pawang matitinding unos na dumatal sa ating bansa, lalo na sa Kalakhang Maynila, Gitnang Luson at Hilagang Luson. Kinitil ng mga bagyong ito'y halos nasa 500 katao na. Lubog sa baha ang mga subdibisyon, mga iskwater, at mga pananim sa mga probinsya. Nakakalungkot, dahil bukod sa mga namatay ay marami pa ang nawalan ng tahanan. Dinelubyo ng mga bagyong ito ang kabahayan at kabuhayan ng ating mga kababayan. Hanggang ngayon, marami pa ring kabahayan ang lubog sa baha dahil walang madaluyan ng tubig para bumaba, tulad sa Muntinlupa.

Sinong sisisihin sa nangyari? Ngunit may dapat nga bang sisihin sa mga nangyari, gayong ito'y ngitngit ng kalikasan? O ang dapat nating sisihin ay ang sistemang panlipunang sumira sa kalikasan, na siyang dahilan upang gantihan ng kalikasan ang tao?

Muling nasilayan ng marami ang muling pagbabayanihan ng mga Pilipino at pagmamalasakit nila sa ating kapwa. Agad silang sumaklolo sa mga natamaan ng baha, ngunit ang marami, bagamat nais sumaklolo ay walang magawa dahil sa kawalan ng kagamitan. O kung may gamit man ay di bihasa sa paggamit nito.

Gayunman, kapansin-pansin ang kawalang-handa ng pamahalaan sa ganitong mga sitwasyon. Doon nga sa may Brgy. Bagong Silangan sa Lunsod Quezon, umabot na sa 42 katao ang namatay. Sa Provident Village sa Marikina, na karamihan ay mga sikat ang nakatira, ay hindi rin pinatawad ni Ondoy. Sa Muntinlupa’y walang madaluyan ang tubig baha kaya lubog pa rin ang maraming bahay sa putik. Ang lalawigan ng Pangasinan ay nagmistulang karagatan. Nagka-landslide sa Baguio City at sa La Trinidad, Benguet, kung saan kayraming namatay. Habang isinusulat ito’y nasa 648 na ang natalang namatay.

Hindi maaaring sabihin ng pamahalaan na di sila handa sa ganitong pangyayari, pagkat lagi namang tinatamaan ng bagyo ang ating bansa. Noong 2007 nga ay nanalasa na ang kaytinding bagyong Milenyo na kumitil din ng maraming buhay. Dapat ay naghanda na sila kung sakaling mangyari muli ang panibagong unos tulad ni Milenyo. O ang dapat nating sisihin o punahin ay ang nagaganap na climate change na nagdulot ng ganitong katinding unos?

Ano nga ba ang tinatawag na climate change? Ito ang pagbabago-bago ng klima ng mundo, dahil sa mga greenhouse gases (GHG) na bumubutas sa atmospera ng ating daigdig. Tulad dito sa Pilipinas, nagkaroon ng tag-ulan sa panahon ng tag-araw. Ngayon ngang 2009 ay naranasan nating umulan ng malakas at nagbaha nitong Mayo na dapat ay tag-araw. Ang greenhouses gases na sumira sa kalikasan ay dulot ng pagsusunog ng mga fossil fuels para sa langis ng mga sasakyan. Dulot din ito ng mga coal-fired power plants na nagsusunog din ng mga uling para magpaandar ng kuryente.

Ngunit sa ngayon, sinisisi ng gobyerno, lalo na ng mga trapo, ang mga maralita dahil sa pagbaha. Ang mga iskwater daw ang dahilan kaya di raw madaanan ng tubig ang mga estero, kaya nais ng mga pulitiko na pabantayan ang mga lugar na binaha sa mga militar upang di na roon makabalik ang mga iskwater. Ngunit sino ba ang dahilan kung bakit may iskwater? Hindi ba’t itong gobyerno, mga elitista, mga mayayaman, mga kapitalista, na di isinasama sa pag-unlad ang mga dukha at laging inietsapwera ang mga mahihirap sa mga planong kaunlaran ng bansa? Hindi ba’t ang laging solusyon nila sa maralita ay itaboy ito sa mga lunsod at itapong parang mga basura sa mga bundok at malalayong lugar?

Maraming salamat sa mga noodles at sardinas na ipinamigay upang kahit pansamantala ay may pang-agdong-buhay ang mga nasalanta. Ngunit alam nating hindi ito sapat upang makabalik ang mga nasalanta sa dati nilang pamumuhay. Kaya imbes na pawang noodles at sardinas ang ibigay bilang relief sa mga apektado, bakit hindi na lang ibigay ay mga bahay na sapat para sa kanila. Karapatan nila ang magkaroon ng bahay, ngunit pinabayaan sila ng gobyernong tumira sa mga mapanganib na lugar, tulad ng riles at estero.

Anong dapat gawin? Dapat na ilaan ang countryside development fund o pork barrel ng mga mambabatas, calamity fund ng gobyerno para sa pagbili ng lupa sa mga maralitang biktima ng bagyong Ondoy. Tiyaking sa relokasyon nilang ito ay may sapat na pabahay, hanapbuhay at serbisyo. Dahil isa man sa tatlong ito ang mawala ay tiyak na delubyo sa mga nasalanta.

Dapat magkaroon ng moratorium sa demolisyon at pagpapaalis sa evacuation center hangga’t walang maayos, abot-kaya at ligtas na relokasyon. Hindi dapat na itataboy na lamang na parang mga daga ang mga maralita at basta na lamang paaalisin nang walang kasiguraduhan sa paglilipatan.

Ngunit mananatili ang katotohanan: Sa nangyaring pagkamatay ng daan-daang tao, at kawalan ng matitirhan ng mga nasalanta, ang tanging ginagawa ng gobyerno ay mamigay ng noodles at sardinas, imbes na tiyaking ayusin at ilagay sa mas maayos na lugar ang mga nasalanta. Kung ipagpapatuloy ng gobyerno ang basta na lamang pagpapaalis sa mga maralita sa dating kinatirikan ng kanilang bahay nang walang maayos na plano, sadyang inutil ang gobyerno ni Gloria.

Sunday, July 5, 2009

TRAPO KADIRI: Sa Republikang Basahan Naghahari

TRAPO KADIRI: Sa Republikang Basahan Naghahari
pagninilay ni Goriong Putik

Basahan ang trapo. Panlinis sa kadumihan. Ngunit ang isa pang trapo ay pinaikling 'traditional politician', na ibang klaseng luminis, dahil ang kadalasang nililinis ay kaban ng bayan. Ito ang trapong walang silbi sa bayan, at namamayagpag sa republikang basahan.

Noong una, tinawag sila ng mga mamamahayag na 'tradpol' na kasintunog ng tadpole o palaka. Hanggang sa uminog na ito sa salitang 'trapo' (Jose F. Lacaba, 02-21-06). Ayon naman kay Dean Jorge Bocobo, naimbento ang salitang 'trapo' dahil kay dating Speaker Jose de Venecia (Philippine Commentary, 05-31-04). Noong 1995, ginamit na rin ito ng Students Advocates for Voters Empowerment (SAVE) na itinatag ng National Federation of Student Councils (NFSC) at Kalipunan ng Malayang Kabataan (Kamalayan) sa kanilang TRAPO KADIRI campaign, kung saan naipanalo nila ang apat sa pito nilang kandidato sa kongreso. Ayon naman kay Henry F. Carey, tinawag na ng NAMFREL ang mga traditional politicians na 'trapo' (Christian Science Monitor, 08-19-91). Ngunit bago pa mapasok ang bagong kahulugan ng trapo sa ating wika, uso na ang 'trapo' sa panahon pa ng Batasang Pambansa ni Marcos.

Ang trapo ay mga tradisyunal na pulitiko. Ibig sabihin, nagsimula ang pamamayagpag ng mga trapo mula pa ng maitayo ang Pangkalahatang Asembliya, o kauna-unahang kongreso sa Pilipinas, noong 1916.

Dahil sa kanilang kayamanan at impluwensya sa ekonomya't pulitika ng kanilang bayang nasasakupan, sila ang kinilala'y nahalal sa matataas na pusisyon sa bansa. Ang kanilang kapangyarihan ay palipat-lipat sa kamay ng kanilang pamilya, asawa, anak, at maging apo.

Kadalasang ginagamit ng mga trapo para manalo ay tatlong G's (guns, goons, gold), ngunit ngayon ay 5 G's na (guns, goons, gold, Garcia at Gloria). Nadagdag ang Garci at Gloria nitong mga nakaraang taon, dahil sa isyu ng "Hello, Garci" tapes, kung saan kinausap ni Gloria si Comelec commissioner Virgilio Garcialiano. Wala na si Garci sa Comelec, ngunit ang iniwan niyang pangalan sa eleksyon sa Pilipinas ay mananatili. Nalagay na ang kanyang pangalan sa diksyunaryo ng pandaraya sa elektoral sa bansa. Kaya habang may dayaan, maaalala ng tao ang kanyang pangalan. "Mag-ingat baka ma-Garci tayo." Marahil matatagalan pa bago mapalitan ang 5 Gs na ito, at marahil di pa ito mangyayari sa eleksyong 2010.

Kananiwan, ang trapo ay mula sa mayayamang angkan sa kanilang bayan o lungsod, at ang mga kamag-anak ay may mga matatas din na posisyon sa gobyerno. Kontolado nila ang ekonomya’t pulitika ng kanilang bayan o lungsod.

Tinukoy ng kolumnistang si Fel Maragay sa dyaryong Manila Standard Today (May 14, 2007) kung sinu-sino ang mga angkang kumokontrol sa pulitika ng bawat probinsya. Ayon sa kanya, ito'y sina "Ortega ng La Union, mga Dy ng Isabela, mga Marcos ng Ilocos Norte, mga Singson ng Ilocos Sur, mga Joson ng Nueva Ecija, mga Roman ng Bataan, Magsaysay ng Zambales, mga Cojuangco at Aquino ng Tarlac, mga Fuentebella ng Camarines Norte, mga Dimaporo ng Lanao del Sur, mga Osmeña ng Cebu, mga Espinosa ng Masbate, mga Laurel at Recto ng Batangas, mga Gordon ng Zambales, mga Plaza ng Agusan, mga Durano ng Danao City, mga Antonino ng General Santos, mga Lobregat ng Zamboanga City at mga Cerilles ng Zamboanga del Sur." Idinagdag pa niyang may mga bagong angkang sumusulpot, tulad ng angkang Estrada sa San Juan, mga Arroyo sa Pampanga at Negros Occidental, mga Angara sa Aurora, mga Defensor sa Iloilo at sa Quezon City, mga Suarez sa lalawigan ng Quezon, mga Villafuerte sa Camarines Sur, mga Villarosa sa Mindoro Occidental, mga Espina sa Biliran, mga Ampatuan sa Mindanao, at ang mga Akbar sa isla ng Basilan.

Ang trapo ay tulad ng mga uwak na laging sariling pangalan ang binabanggit. Syempre, para matandaan lagi.

Ang trapo ay pera ang pang-akit sa mga botante. Syempre, mayaman.

Ang trapo ay yaong palipat-lipat ng partido para matiyak ang panalo sa halalan. Syempre, hunyango o kaya’y balimbing.

Ang trapo ay yaong mga pulitikong tumatapak lang sa lugar ng iskwater pag malapit na ang botohan. Syempre, nandidiri sa iskwater.

Ang trapo ay yaong pinagmamayabang ang proyekto ng pamahalaan na siya umano ang nagpagawa, gayong galing iyon sa pondo ng bayan, at ang gumawa'y simpleng manggagawang tinipid pa sa sweldo, kaya manggagawa'y nagugutom. Syempre, kapitalista.

Ang trapo ay yaong nag-aartista muna bago pasukin ang pulitika. Syempre, para makilala agad.

Ang trapo ay laging pinaghihintay ang mga taong kinakailangan siya. Syempre, paimportante.

Ang tingin ng trapo sa kanilang sarili ay hindi lingkod bayan, kundi negosyante't haring may kapangyarihan. Marami ngang bayarang bodyguard ang mga trapong ito. Syempre, negosyanteng nag-aastang lingkod-bayan.

Para sa trapo, negosyo ang pulitika. Bakit naman sila magtatapon ng milyung-milyong piso sa kampanyahan para lang ipagpalit sa napakaliit na sweldo kada buwan ng pangulo at iba pang posisyon sa pamahalaan, kung hindi nila ito babawiin mula sa kabang yaman ng bayan?

Ang trapo ay yaong mga tiwaling pulitikong ginagatasan ang kabangyaman ng bayan para manatili sa pwesto. Syempre, hawak nila ang pondo ng bayan.

Ang trapo ay yaong mga kinatawan ng pribadong nagmamay-ari ng mga kasangkapan sa produksyon, tulad ng mga pabrika, makina, at malalawak na lupain. Syempre, panginoong maylupa, o kaya'y panginoong kapitalista.

Ayaw ng trapo ng pagbabago dahil tiyak sila ang mababago. Kaya gusto nilang panatilihin ang kasalukuyang sistema, o tradisyon ng pulitika sa bansa.

Higit sa lahat, ang trapo ang mga tagapagsulong ng bulok na sistema, at representante ng kapitalismo laban sa uring manggagawa at sa naghihirap na sambayanan.

Silipin natin kung sinu-sino ang mga tatakbong trapo sa pagkapangulo sa 2010. Nariyan si Senador Manny Villar representante ng Las Pinas at ang asawang si Cynthia Villar ay Congresswoman ng Las Piñas. Si Senador Mar Roxas, na magiging kabiyak ay ang sikat na mamamahayag na si Korina Sanchez ng ABS-CBN, ay apo ni dating Pangulong Manuel Roxas at anak ni dating senador Gerry Roxas. Si Defense secretary Gilbert "Gibo" Teodoro, na pamangkin ni Danding Cojuangco na kapatid ng kanyang ina. Asawa naman niya si Rep. Monica Prieto ng Tarlac, na lalawigang balwarte ng mga Cojuangco. Si Senador Chiz Escudero ay galing sa angkan ng mga Escudero sa Sorsogon. Ang kanyang ama ay dating Congressman sa unang distrito ng Sorsogon, at ang mga tiyuhin naman niya ay Bise-Gobernador at Meyor sa kanilang probinsya. Si Joseph Estrada, guilty sa salang plunder ngunit napardon kaya di nakulong, ay nagbabalak na namang tumakbo. Walang kadala-dala. Nasa pulitika rin ang kanyang mga anak na sina Senador Jinggoy at Mayor JV, habang dating senadora ang kanyang asawang si Loi. Nariyan din sina Loren Legarda at Noli “Kabayan” de Castro na pawang batikang mamamahayag. Si Bayani Fernando na maraming kinawawang vendors ay nagbabalak ding kumandidato.

Bistado na sila, ngunit patuloy pa silang namamayagpag sa ating bansa. Kawawa ang bayan dahil sa kanilang kagagawan. Sobra na sila. Dapat lang silang kalusin. Kaya ngayon ay may mga itinatag na kilusang anti-trapo sa iba't ibang panig ng bansa upang di na sila muli makapaghari. Kung noong 1995, ang pakikbakang anti-trapo ay aktibidad lamang ng kabataan, ngayong 2009, ito'y pakikibaka na ng buong bayan.

Panahon nang palitan ang Republikang Basahan na itinayo nila ng isang tunay na gobyerno ng ng masa't ng manggagawa. HALINA’T IBAGSAK ANG TRAPONG PAGHAHARI! Ngayon!

Tuesday, May 26, 2009

Ang Karapatan Natin sa Sapat na Pabahay

ANG KARAPATAN NATIN SA SAPAT NA PABAHAY
pagninilay ni Goriong Putik

Napakahalaga para sa bawat tao o bawat pamilya na magkaroon ng sapat na paninirahan. Paninirahang hindi siya maiirita, kundi tahanang siya o sila'y masaya. Ngunit sa maralita, lalo na sa mga lugar ng iskwater, maraming demolisyon ang nagaganap; maraming maralita ang nawawalan ng tahanan. Ngunit kasalanan ba ng mga maralita na tumira sila sa barung-barong, gayong dahil sa kahirapan ay yaon lamang ang kanilang kaya?

Marami sa maralitang dinemolis at dinala sa relokasyon ang hindi naman talaga nabibigyan ng sapat na pabahay, ayon sa negosasyon sa kanila bago sila idemolis, bagamat marami talaga sa kanila ang sapilitang tinanggalan ng bahay. Bahala na ang maralita sa erya ng relokasyon pagdating sa pabahay. Ang matindi pa ay ang pagiging negosyo ng pabahay, imbes na serbisyo. Patunay dito ang tinatawag na escalating scheme of payment na kasunduan para sa pabahay, na hindi naman kaya ng mga maralita. Ngunit ano ba ang batayan natin para masabi nating sapat na ang pabahay?

May batayan para sa maayos at sapat na pabahay na binabanggit sa dokumento mismo ng UN Committee on Economic, Social and Cultural Rights (ESCR). Ito'y nakasaad mismo sa General Comment No. 4 (1991) at General Comment No. 7 (1997) ng nasabing komite. Tinalakay din ito sa Fact Sheet 21 na may pamagat na "The Human Right to Adequate Housing" bilang bahagi ng World Campaign for Human Rights.

Unahin muna natin ang GC4, na tumatalakay sa pitong sangkap upang tiyakin ang karapatan sa sapat na pabahay.

1. Ligal na Seguridad sa Paninirahan (legal security of tenure) - isa itong legal na anyo ng proteksyon na magtitiyak sa paninirahan ng mamamayan sa kanilang tahanan at komunidad;

2. Matatamong serbisyo, materyales at imprastraktura (availability of services, materials and infrastructure) - madaling maabot ang likas-yaman, ligtas na inuming tubig, gas sa pagluluto, kuryente, sanitasyon at labahan, tinggalan ng pagkain, tapunan ng dumi at mga serbisyong agarang kailangan (emergency services);

3. Kayang-kayang matamong paninirahan (affordable housing) - hindi dapat magamit sa gastusin sa pagpapagawa at pagpapayos ng bahay ang salaping nakalaan na para sa pagkain, edukasyon at pananamit;

4. Bahay na matitirahan (habitable housing) - ang bahay ay may sapat na espasyo. maluwag para sa titira, may bentilasyon, at yari sa matitibay na materyales na magtitiyak na ang mga titira sa bahay na iyon ay madedepensahan laban sa lamig, init, hamog, ulan, hangin, o anumang banta sa kalusugan, mapanganib na istruktura at sakit;

5. Kayang puntahang pabahay (accessible housing) - madaling puntahan ang lugar at unahin sa mga proyektong pabahay ang mga biktima ng kalamidad, mga may kapansanan, at iba pa;

6. Lokasyon (location) - ang pabahay ay dapat malapit sa lugar ng trabaho at mga serbisyong panlipunan tulad ng eskwelahan, palengke, ospital, libangan, libingan, at iba pa;

7. Sapat na pangkulturang pabahay (culturally adequate housing) - ang disenyo ng pabahay ay dapat na may paggalang sa identidad o kultura ng mga naninirahan, halimbawa'y tribung lumad, muslim o kristyano.

Ayon naman sa Seksyon 10 ng General Comment No. 7, hingil sa forced eviction: "Ang mga kababaihan, kabataan, matatanda, lumad, at iba pang indibidwal o grupo ay nagdurusa sa mga gawaing pwersahang ebiksyon. Pangunahing tinatamaan ang kababaihan sa lahat ng grupo at nakakaranas sila ng iba't ibang uri ng diskriminasyon, at sila'y bulnerable sa karahasan at abusong sekswal kung sila'y nawawalan ng tahanan."

Sa Seksyon 15 ng GC7 ay binabanggit ang ilang gabay para matiyak na hindi nasasagkaan ang karapatang pantao sakaling may forced eviction:

1. Oportunidad na magkaroon ng tunay na konsultasyon sa mga apektado;

2. Sapat at makatwirang abiso sa lahat ng mga tao hinggil sa petsa ng ebiksyon;

3. Impormasyon hinggil sa ebiksyon, at kung saan gagamitin ang lupa o bahay na tatanggalin, na dapat na malaman ng mga apektado sa sapat na panahon;

4. Dapat na may opisyal o kinatawan ng gobyerno na naroroon mismo sa panahon ng ebiksyon;

5. Lahat ng mga taong magsasagawa ng ebiksyon ay dapat na sapat ang pagkakakilanlan;

6. Hindi dapat isagawa ang ebiksyon kapag masama ang lagay ng panahon o sa gabi, maliban na lamang kung umaayon ang mga apektado;

7. Pagkakaroon ng mga legal na remedyo;

8. Kung posible, pagbibigay ng tulong legal sa mga taong nangangailangan nito at naghahanap ng tulong mula sa korte.

Dapat na makatao ang mga nagdedemolis o mismong oryentasyon ng gobyerno hingil sa demolisyon at ebiksyon. Dahil ang mga maralita ay tao din, at hindi hayop na basta na lamang tatanggalan ng tirahan.

Wednesday, May 6, 2009

Pagmumuni sa Kahayupan

PAGMUMUNI SA KAHAYUPAN
pagninilay ni Goriong Putik

"Hayop ka talaga! Walanghiya!" Ilang beses na ba nating narinig ang mga salitang ito, lalo na doon sa mga nag-aaway, pinagsamantalahan at inapi? At minsan ay napapanood din natin ito sa mga pelikula, aksyon man o drama, kung saan itinuturing na hayop ang sinumang nagsamantala sa kanilang kapwa. Ngunit tao sila, hindi hayop. Bakit itinuring na hayop ang isang taong nagsamantala? Mapagsamantala nga ba ang mga hayop?

Gayunman, meron din namang paglalambing, tulad ng "Hayop sa ganda ang wan-kata ng tsiks!" na dalawa ang tinutukoy dito: "hayop sa ganda" na ibig sabihin ay napakaganda, at "tsiks" na kolokyal na tawag sa isang magandang babae.

Sa panitikan man o sa tunay na buhay, lagi nating kasama ang mga hayop. Sa bahay, tayo'y may aso o kaya'y pusa. At minsan naman, may nag-aalaga rin ng baboy, kalabaw, baka at kambing. Meron ding nag-aalaga ng mga tandang na panabong at alagaing manok para maitinda ang mga itlog nito. Ang iba naman ay kabayong pangarera.

Pati na sa kultura ng iba't ibang bansa ay kasama na ang mga hayop. Nariyan ang kwento ni Noah at ang mga hayop na sumakay sa malaking barko. Nariyan din ang mga inakdang pabula ng Griyegong si Aesop, kung saan pinagsalita niya sa kanyang mga akda ang mga hayop upang magbigay ng makabuluhang aral sa mga kabataan.

Nakaukit naman sa bandila ng bansang Sri Lanka ang larawan ng isang LEYON, at ang simbolo naman ng mga rebeldeng Tamil doon din sa Sri Lanka ay TIGRE. May digmaan ngayon sa bansang iyon kung saan dinudurog ng gobyernong Sri Lanka ang mga rebeldeng Liberation Tigers of Tamil Eelam (LTTE). Ang iba pang bansang may nakaukit na hayop sa kanilang watawat ay ang Bhutan, Egypt, Ecuador, Peru, Tibet, Uganda, Virgin Islands, Wales, at Zambia.

Anupa't bahagi na ng ating pamumuhay ang mga hayop. Kaya napasali na rin sa ating wika, lalo na sa pananalinghaga at mga salawikain, ang iba't ibang pakahulugan sa mga hayop, at ginagamit itong metapora sa pagpapaliwanag sa iba't ibang bagay. At kadalasan, ginagamit ang hayop sa kasamaan ng ugali ng mga tao. Tila inapi na ng tao ang mga hayop. Dapat bang ganito? Hindi ba't may kasabihan nga sa Ingles, "Be kind to animals" o dapat tayong maging mabait sa mga hayop? Ngunit tingnan ang ilang halimbawang narito:

Bakit tinatawag na BUWAYA ang mga kongresista't pulitiko? Marahil dahil malaki ang bunganga ng buwaya at handang managpang ng pahara-hara sa daraanan nito.

Bakit tinatawag na BUWITRE ang ilang pulitiko, mayayaman, at mga lider ng sindikato? Marahil dahil inaangkin nito ng pinaghirapan ng iba, nagsasamantala sa kapwa, at nang-aapi ng mga dukha, tulad ng mga buwitreng kumakain ng patay.

Bakit tinatawag na TIGRE ang isang babaeng madaldal at palaaway? Marahil dahil kasintunog ng tigre kung magalit ang babaeng ito, na sa ingles ay tinatawag na "nagger".

Bakit tinatawag na TUTA ng Kano ang gobyernong haling na haling sa dayuhan, partikular sa mga Amerikano? Marahil dahil sunud-sunuran ito sa kagustuhan ng kanyang amo, o sa dikta ng Amerikano.

Bakit ikinukumpara sa LANGGAM ang mga taong masisipag, lalo na yaong mga manggagawa? Marahil dahil ang mga manggagawa ay talagang masisipag sa trabaho, at sila ang gumagawa ng yaman ng lipunan, at bumubuhay sa ekonomya ng bansa.

Bakit AGILA ang simbolo ng bansang Amerika? Marahil dahil matayog ang lipad ng haring ibon, at nakikita ang lahat mula sa papawirin, ngunit dapat mag-ingat ang maliliit na bansa dahil baka sila ang dagitin ng agila.

Bakit sinasabing "mahirap pa sa DAGA" yaong mga nagugutom at itinuturing na hampaslupa? Marahil dahil ang daga'y nabubuhay sa pagkain ng kung anu-ano, kahit papel at tirang pagkain, tulad ng mga dukhang naghahanap ng pagkain sa basurahan, at ginagawang pagpag.

Bakit tinatawag na AHAS ang mga taong sukab, lilo o tampalasan? Marahil ay hinango ito sa isang akda sa bibliya ng mga Kristyano kung saan kumain ng mansanas sina Eba at Adan dahil sa udyok ng ahas kaya sila napalayas sa paraiso, kung saan naiwan sa paraiso ang ahas. Marahil may ganito rin sa iba pang relihiyon.

Bakit tinatawag na bahag ang BUNTOT ng isang taong duwag at dungo, gayong wala naman siyang buntot? Marahil dahil tulad ng aso na kakawag-kawag ang buntot sa kanyang amo, ang isang taong duwag at maging ang mga kimi, dungo at mahiyain, ay sunud-sunuran na lamang sa nakatataas sa kanila.

Bakit tinatawag na lumalaki ang SUNGAY ng isang taong pasaway, gayong hayop lamang ang may sungay? Marahil dahil nanunuwag ng amo ang mga sungayang hayop, tulad ng kalabaw at baka. Marahil din dahil ikinukumpara sa demonyong may sungay ang taong pasaway o masama.

Pero talaga bang ganito ang ugali ng mga hayop, kaya kadalasang ikinukumpara natin ang mga kasamaan ng tao sa hayop? Ano ang kinalaman ng buwaya sa mga kongresista't pulitikong tiwali sa pamahalaan, gayong di naman nangungurakot ang mga buwaya? Talaga bang traydor ang mga ahas, hindi ba't harapan kung manuklaw sila?

Hindi ba natin inaapi ang mga hayop sa pagkukumpara natin sa kanila sa masasamang ugali ng tao? Ano kayang masasabi ng mga animal welfare activists sa usaping ito? Tiyak na magpoprotesta sila.

Marami ring salita ang naglalarawan sa kaugalian ng tao sa pamamagitan ng katangian ng mga hayop.

Tulog-manok ang mga madaling magising.

Balat-kalabaw ang mga walang pakiramdam.

Ang mga naaapi'y tinatawag na basang sisiw o kaya'y kakaning itik.

Linta ang mga pulitikong mapagsamantala at tinatawag din itong mga traydor na kaibigan.

Buhay-alamang ang mga maralita.

Salimpusa ang mga di talaga kasali sa isang grupo ngunit nakikisali.

Ngising aso yaong mga mapanlait sa kapwa.

Parang pusang may siyam na buhay ang mga nakaliligtas sa tiyak na kamatayan.

Asong ulol ang tawag sa mga nanggagahasa.

Sa pagdaan ng kasaysayan, pumaimbulog ang mga salitang ito sa mga kwentuhan, talakayan at pagsulat ng mga akda upang ilarawan ang kaugalian ng tao sa pamamagitan ng mga metapora na kaugnay ng hayop. Marahil ay hindi sila malay o hindi sinasadya. Ngunit lumaganap ang mga salitang ito mula pa ng panahong sinauna.

Gayunman, marahil matatagalan pa, marahil bibilang pa ng mga taon, dekada at siglo, para mapawi ang pananalinghagang ito hinggil sa mga hayop sa ating bokabularyo. Sa ngayon, palasak pa rin ito sa ating kamalayan bilang bansa at bilang tao. Hangga't wala tayong naipapalit sa mga pananalitang ito, mananatili pa rin ito sa ating mga aklat, sa mga pelikula, at kahit sa simpleng talastasan.

Monday, April 27, 2009

Makibaka, Huwag Matakot!

MAKIBAKA, HUWAG MATAKOT
pagninilay ni Goriong Putik

Sa lansangan ng protesta, ilang beses na rin nating narinig na isinisigaw ng mas matatagal na sa ganitong larangan ang mga katagang “Makibaka, Huwag Matakot!”

Karamihan sa kanila’y laman at naging bahagi na ng lansangan ng protesta nuong panahon ng diktaduryang Marcos, at ang iba naman ay noong kasagsagan ng kampanya para lansagin ang mga base militar ng Kano, at ikinapanalo naman ng sambayanan ng bumoto ang labindalawang senador para di na manatili pa ang mga base militar na iyon. Hanggang sa maganap ang Ikalawa at Ikatlong Rebolusyong Edsa. Hanggang sa pakikibaka laban sa ChaCha, sa VFA, sa isyu ng dayaan sa eleksyon (Hello Garci), at sa iba't iba pang isyung panlipunan.

“Makibaka, Huwag Matakot!” Nananatili pa ring napapanahon ang panawagang ito. Hindi ito maluluma hangga’t patuloy ang kaapihan ng marami nating kababayan. Magpapatuloy na isisigaw ito kahit ng mga susunod na henerasyon hangga’t laganap ang kahirapan, hangga’t di pantay ang hatian ng yaman sa lipunan. Mananatiling buhay ang panawagang ito hangga’t laganap ang kawalang katarungan sa higit na nakararami.

“Makibaka, Huwag Matakot!” Hindi dapat katakutan ang pakikibaka. Oo, minsan ay talagang nakakatakot dahil maaaring mapatid ang ating buhay sa pakikipaglaban para sa ating karapatan at para sa progresong may hustisyang panlipunan. Ngunit kung mabubuhay tayong patuloy na natatakot, ano pang dahilan para mangarap ng mas maayos na buhay para sa ngayon at sa hinaharap? Kung patuloy na takot ang umiiral sa ating puso at isipan, mananatili tayong aba, busabos, at walang kalayaan.

Kung natakot si Jose Rizal noon, may Noli Me Tangere at El Filibusterismo ba tayo ngayon? Kung natakot noon si Bonifacio at Jacinto, may Katipunan bang naitatag at may Kartilya bang naging gabay ng mga mapagmahal sa kalayaan? Kung natakot noon sina Makario Sakay, nagpatuloy pa ba ang himagsikan sa panahon ng Amerikano? Kung natakot noon ang mga Hukbalahap, nagpatuloy ba ang pakikibaka lamang sa pananakop ng mga Hapon? Kung natakot noon si Benigno “Ninoy” Aquino, Jr. sa pagbalik sa bansa, magkakaroon ba ng Rebolusyong Edsa?

“Makibaka, Huwag Matakot!” May dapat magsindi ng mitsa upang mawala ang takot ng sambayanan laban sa mga mananakop, laban sa mga mapaniil, laban sa mga mapagsamantala. Dapat nating pag-aralan ang lipunan upang maunawaan natin ang ugat ng kahirapan ng higit na nakararami habang nagpapasasa ang iilan.

“Makibaka, Huwag Matakot!” Ito rin ang panawagan natin sa mga manggagawa upang ipagpatuloy nila ang pakikibaka para itayo ang sarili nilang lipunan. Ang mga manggagawa ang gumagawa ng ekonomya ng bansa. Sila ang nagtayo ng mga palasyo at mansyon ng mga naghaharing uri ngunit sila pa ang walang maayos na bahay dahil sa kakarampot na sahod.

“Makibaka, Huwag Matakot!” Ito rin ang panawagan natin sa mga kababaihang dapat ipaglaban ang kanilang karapatan. Hindi dapat sila maging marupok sa harap ng maraming pagsubok. Hindi dapat sila manghina sa harap ng pagsasamantala, tulad ng panggagahasa.

Ito rin ang panawagan natin sa mga magsasaka. Sila ang nagtatanim at nagtitiyak ng ating pagkain ngunit sila pa ang nagdidildil ng asin.

Karapatan ng mga maralita ang pabahay, kaya dapat nilang ipaglaban ang kanilang karapatan laban sa demolisyon.

Karapatan ng mga estudyante ang edukasyon, kaya dapat nilang ipaglaban ito bilang serbisyo at hindi negosyo ng mga kapitalistang may-ari ng paaralan.

Sa lahat ng inaaping sektor, sa mga mangingisda, mga maglalako, kahit sa mga pulubi at taong grasa, lahat sila’y may karapatang mabuhay at magkaroon ng maayos na pamumuhay, nang may dignidad.

Ayon sa isang awitin ng dakilang banda ng Asin, “Ang takot ay nasa isip lamang.” Kaya tayong mga nakikibaka para itayo ang isang lipunang tunay na makatao, dapat nating ipatagos sa kaluluwa ng lahat ng api na hindi sila dapat matakot, bagkus, dapat nilang pag-aralan ang lipunan kung bakit nasadlak sila sa gayong kalagayan, at higit sa lahat, dapat silang magkaisa.

“Makibaka, Huwag Matakot!” Sa harap ng krisis na nararanasan ng mundo ngayon, partikular ang mga manggagawa at maralita, nararapat lang tayong magpatuloy sa pakikibaka. Hindi tayo dapat matakot sa mga mapaniil. Ang kailangan natin ay magkaisa at magtulung-tulong upang lunasan ang kanser ng lipunan. Ang kailangan natin ay mawala ang pribadong pagmamay-ari ng mga kasangkapan sa produksyon na siyang dahilan ng lalo’t lalong kahirapan ng higit na nakararami. Ang kailangan natin ay palitan ang bulok na sistemang nagsilang ng kawalang katarungan sa lipunan.

Halina’t ating itayo ang isang lipunang tunay na makatao. Halina’t makibaka! Huwag matakot!

Tuesday, April 21, 2009

Munting Kuro-kuro sa Araw ng Kalikasan

MUNTING KURO-KURO SA ARAW NG KALIKASAN
pagninilay ni Goriong Putik

Sa Pandaigdigang Araw ng Kalikasan, atin pong pagnilayan sumandali at tayo’y magpasalamat sa kalikasan, lalo na sa mga puno, pagkat sa kanila nanggaling ang mga papel na ginagawang sulatan at aklat. Kung wala ang mga puno, tiyak na wala tayong binabasang mga aklat, magasin at mga pahayagan. Pagpugayan din natin ang mga kababayang nagsakripisyo’t nagpakasakit, lalo na ang mga environmental activists at advocates sa kanilang walang sawang pagtutok at pagkilos upang ang ating kalikasan ay ipaglaban mula sa mga maling patakaran, at maging maayos para na rin sa kinabukasan ng mga susunod na henerasyon (sustainable development).

Dalawang pandaigdigang araw ang karaniwang ginugunita hinggil sa kalikasan - Abril 22 - Pandaigdigang Araw ng Kalikasan (International Earth Day) at Hunyo 5 - Pandaigdigang Araw ng Kapaligiran (World Environment Day). Ang una'y pinasimulan ng mga NGO sa US, habang ang huli'y pinasimulan ng Unied Nations (UN).

Tuwing ika-22 ng Abril kung gunitain ng buong mundo ang Pandaigdigang Araw ng Kalikasan. Oo, ginugunita ito sa buong mundo. Ngunit anong klase ng paggunita: Pagdiriwang ba o pagluluksa?

Dapat bang ipagdiwang ang Abril 22 dahil ito ang itinakdang araw para sa kalikasan, o dapat itong ipagluksa dahil unti-unti nang sininira ng tao at ng sistema ng lipunang umiiral ang kalikasan?

Sa aking pananaw, hindi dapat mamili sa isa, pagkat parehong dapat ipagdiwang ang araw na ito at ipagluksa. Tila mahirap ang sinabi ko. Parang sa umaga ay ipagdiriwang at sa hapon ay ipagluluksa na. Hindi po ganito.

Ipinagdiriwang natin ang Pandaigdigang Araw ng Kalikasan dahil ito ang marapat gawin upang maimulat ang marami sa kahalagahan ng kalikasan, at ang kaugnayan ng kalikasan sa tao at sa ating pagkatao. Ngunit ipinagluluksa natin ang mismong ginagawang kahayupan ng tao sa kalikasan. Kailan matitigil ito?

Napakahalaga ng mga isyung pangkalikasan na karaniwang hindi nabibigyang-pansin ng media, ng gobyerno, ng eskwelahan o ng akademya, maliban na lang kung may trahedyang naganap. Bakit? Dahil ba wala silang pakialam o dahil hindi nila alam ang isyu.

Minsan nga ay nagtataka ako, dahil marami sa atin, bata pa lang ay tinuruan na sa paaralan ng simpleng pagtatapon ng basura sa tamang basurahan. Ngunit nang lumaki na tayo, nalimutan na ito. Kung saan-saan itinatapon ang basura. Ang balat ng kendi, na hindi naman basura hangga’t hindi pa lumalapat sa basurahan, ay agad pinandidirihan. Itinatapon agad kung saan-saan, at ayaw munang ibalik sa bulsa hanggang sa makakita ng basurahan.

Kung ating pagninilayan, alam nating lahat na bago pa tayo mabuhay sa mundo, nariyan na ang kalikasan. Nariyan ang dagat, lupa, hangin, atbp. Halos lahat ng ginagamit natin sa araw-araw ay mula sa kalikasan.

Ngunit pag pumunta ka sa Manila Bay, hindi na pulos tubig ang iyong makikita sa dagat, kundi mga basura, at napakaraming naglulutangang mga plastik. Ang plastik ay hindi nabubulok, kaya tumatambak ang basurang ito.

Grabe na rin ang polusyon sa hangin. Pag nasa biyahe ka galing probinsiya, magigising kang alam mo nang nasa Maynila ka na, pag naramdaman mo na ang polusyon.

Ang tubig na dati ay libre ay may bayad na rin. Mas mahal pa nga ang mineral water kaysa isang bote ng softdrinks. Kailangan na kasing iproseso ito ng mga mangangalakal upang ibenta dahil marumi na ang pinagkukunan ng tubig.

Nakakalbo na rin ang mga kagubatan. Nagkukulang na ba tayo sa itatanim, o hindi tayo nagtatanim?

Gusto mong tumulong ngunit di mo magawa? Aba'y kumilos tayo at huwag tumunganga. Pag tuluyang nasira ang kalikasan, baka tayo'y matulala. Kaya ngayon pa lang, kumilos na tayo upang di ito tuluyang masira.

Ang pagprotekta sa kalikasan ay hindi madaling gawin. Kailangan natin itong pag-isipan at pag-aralan. Hindi sapat na maunawaan natin kung paano nasisira ang kalikasan. Hindi simpleng itapon lang natin sa basurahan ang balat ng kendi ay ayos na. pagkat baka naman naihahalo ang nabubulok sa di nabubulok.

Tayo nga'y magnilay sa Araw ng Kalikasan: Anong klaseng kalikasan, kapaligiran, at sistema ng lipunan ang ating ipamamana sa susunod na henerasyon kung wala tayong gagawin ngayon upang protektahan ito? Nais ba nating wasak na kapaligiran ang ating ipamana sa kanila?

Ang ipinahayag ko'y munting pagsipat lamang sa abang kalagayan ni Inang Kalikasan. Marami pang dapat pag-usapan at pagtuunan ng pansin, lalo na ang iba't ibang isyu, tulad ng global warming o climate change, ano ang kyoto protocol, ano ang sustainable development, ang muling pag-revive ng Bataan Nuclear Power Plant (BNPP) na nakasalang ngayon sa kongreso at ipinoprotesta ng maraming environmentalists, at marami pang iba.

Ngunit ang pagsipat na ito'y di lamang dahil sa pagsapit ng Abril 22 o Hunyo 5, kundi dahil alam nating sa buong taon ay naaapektuhan tayo ng unti-unting pagkasira ng kalikasan. Hanggang dito na lang muna, at nawa’y isapuso natin ang awiting “Masdan Mo Ang Kapaligiran” ng bandang ASIN na siyang itinuturing na theme song ng mga mapagmahal sa kalikasan.